Chapter 89
Sa paglapit ng mga anino ay napapaatras ang hanagob, nabakas sa mga mata nito ang pagkagimbal. Pamilyar sa kaniya ang mga aninong iyon, at angbibigay ito sa kaniya ng matinding takot at kilabot.
"Baka nakakalimutan mo aswang, kahit ang kakayahan ko ay nanggaling sa isang buyagan, isa pa rin akong babaylan. Ang dalawang magkasalungat kong kakayahan ay matagal ko nang napag-ibayo at hindi ako mahina, kagaya ng iniisip mo!"
Sa ikalawang beses na pagsambit ni Harani ng mga kataga at napaluhod ang isang tuhod ng hanagob sa lupa. Tila ba may nilalabanan itong puwersa na hindi nakikita ng kahit ng kanilang ikatlong mata.
"Isang pagkakamali ang pagbawi mo sa buhay ng aking kapatid, dahil sa'yo, inaral ko ang isang bagay na balak ko na sanang takasan. Matagal kong inasam na makaharap ka at maipataw sa'yo ang nararapat na parusa. Hindi ako kasing-bait ng ate kong si Hamara, sa katunayan, ako ang may pinakamasamang ugali sa aming dalawa." Napangisi si Harani. Ang ngising iyon ay nagbigay ng kilabot kay Esmeralda at Liyab. Bahagya silang napaatras at lumayo, nagkatinginan pa sila ay parehong napakibit ng balikat.
Hindi nila akalaing may nakakatakot na parte ang Tiya Harani nila. Kung titingnan mo kasi ito, mahinhin, at tila hindi makabasag pinggan ang mukha, kaya sino ang mag-aakalang may itinatago itong bangis?
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit sa akin ibinigay ng mga ninuno ang kaalamang ito? Dahil ako lang sa aming dalawang magkapatid ang may kakayahang kontrolin ang kapangyarihan na nanggaling sa kaliwa. Hindi kaya ni ate dahil puro ang pagkatao niya, isa na sana siyang mataas na babaylan ngayon kung hindi lang dahil sa kasakiman mo. Kaya tanggapin mo ang parusang ito," wika ni Harani, muli siyang nagpakawala ng puwersa gamit ang mga katagang lumalabas sa kaniyang bibig. Napasubasob naman sa lupa ang hanagob, buong puwersa niya itong nilalabanan ngunit tila may mga hindi nakikita ang pumipigil sa kaniya.
"Napakalakas niyang buyagan, ang mga aninong iyan na pumipigil sa haring hanagob ay hindi basta-basta." komento ni Uran, humihingal na inilapag ng kuraret ang malaking sandata niya sa lupa at naglikha iyon ng malaking uka roon.
"Nakikita mo?" gulat na tanong ni Esmeralda.
"Nakikita ko rin Esme, mukhang ang mga nilalang na ito ay nanggaling pa sa kailaliman ng lupa, mas masahol pa sila sa mga kilala na nating dem*nyo. At mukhang hindi rin sila basta-basta nakikita ng kahit sino lang." wika naman ni Liyab.
"Wala silang wangis, ang totoo niyan, anino lamang ang nakikita namin. Hindi maipagkakailang, napakalakas ng sabulag ng mga nilalang na ito, maging ako ay kinikilabutan sa presensya nila," umiiling-iling na wika ni Uran.
