Chapter 90 (Finalé)
Dinampot ni Liyab ang mutya ng haring hanagob at pinakatitigan ito. Sa wakas, ay natalo rin nila ang matagal nang nagpapahirap sa kanila.
Nang magtama ang paningin nila ni Esmeralda ay nagkangitian sila. Sa unang pagkakataon ay nagyakap ang magkapatid at ibinuhos nila sa isa't isa ang nararamdaman nilang pagluluksa.
"Umuwi na tayo," saad ni Harani. Nang lingunin nila ito ay nakangiti na ang ginang sa kanila. Bakas na sa mukha nito ang kaligayahan, maaliwalas at napakaamo ng mukha nito, tila nabura ang kaninang imahe niyang puro galit at poot lamang.
"Tiya, nakakapagsalita ka na ng normal?"
"Sinadya ko talagang gawin iyon. Ang limitahan ang sarili ko sa pagsasalita upang mapalakas ang kapangyarihan ng isnag buyagan sa aking sarili para lang sa araw na ito. Ang sabi ko, sa oras na makamit ko ang hustisya ay babalik na rin ako sa dati. Salamat at nakasama ko kayo Esme, Liyab." Tugon ni Harani.
Matapos ang tagpong iyon ay muli nang binuksan ng kuraret ang lagusan. Sa pagkakataong iyon, konektado na ito sa kabundukan ng luntian.
Paglabas ng lagusan ay nagmadali naman silang bumalik sa bahay ni Ismael.
"Sigurado ka bang makakabalik agad sina Mateo bago sumikat ang araw?" Tanong ni Esmeralda.
"Oo, kasama nila si Hagnaya at siya na ang bahalang magbukas ng lagusan matapos nilang sunduin ang mag-ama." Sagot naman ni Liyab. Tumango si Esmeralda at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Nakaupo naman si Dodong at Maliya sa kariton ng kuraret.
Papasikat na rin ang bukang-liwayway nang marating nila ang bayan. Sa labas ay rinig na rinig nila ang palahaw ni Silma.
"Wala na tayong magagawa kun'di ang bigyan sila ng nararapat at maayos na libing. Tumahan ka na Silma, ipanalangin na lamang natin na makabalik sina Esmeralda nang ligtas." Boses iyon ni Ismael.
Napakuyom ng kamao si Esmeralda, mukhang alam na ng tiyahin niya ang totoong nangyari kay Margarita at sa pamilya nito.
