Infinito: Salinlahi

Chapter 87



Sa kanilang pagpasok sa loob ng kubo ay bakas pa rin doon ang mga naiwan ng kanilang mga magulang. Sa lumang mesa, nakapatong pa ang dalawang pares ng baso at plato. Itinayo ni Liyab ang isang bangkong nakatumba at hinaplos niya ang namumuong alikabok sa ibabaw ng mesa. Tila nakikita naman nila ang imahen ng kanilang mga magulang na kumakain at nagtatawanan sa harapan ng mesa. Ang maliit na kusina ay may kakaunting kagamitan lamang, luma na ang mga ito at makapal na rin ang nakabalot na alikabok.

"Dito ba sila bumuo ng pamilya? Nakakatuwa namang isipin na makikita ko ang lugar na ito kahit sa ganitong sitwasyon natin. Ayos lang ba kung magdrama muna ako?" Naiiyak na tanong ni Esmeralda. Nang marahang tumango si Liyab ay tila doon na nagkaroon ng lakas ng loob si Esmeralda na mangulila sa kanilang mga magulang. Tumulo ang masasaganang luha niya kasabay ng pagbuhos ng pangungulila sa kaniyang sistema.

Dinampot niya ang isang walis at nilinis ang sahig, maging ang mesa at lahat ng kasangkapan ay inalisan nila ng alikabok. Tulong-tulong silang naglinis hanggang sa bumalik sa ayos ang kabuuan ng kubo. Napangiti si LIyab at Esmeralda, magkahawak kamay silang bumulong sa hangin, animo'y kinakausap ang kanilang mga magulang.

Sikat na ang araw nang magpahinga sila. Nang mga panahon iyon, tila sinabayan nila ang pahinga ng mga aswang. Alam nilang sa gabi pa sasalakay ang mga aswang dahil mahina sila sa umaga. Kaya hangga't maaari sinikap nilang makatulog nang araw na iyon. Hapon nang paisa-isa na silang nagising. Paggising naman ni Esmeralda ay nakita niyang maraming prutas na ang nakalapag sa mesa. May baboy-ramo ring kinakatay si Liyab sa labas habang si Dodong naman ay nagsisiga ng apoy sa harapan.

"Nangaso kayo?" tanong ni Esmeralda habang papalabas ng kubo.

"Gising ka na pala ate, opo nangaso kami ni Uran, si Kuya Liyab naman ang kumatay tapos iihiawin na lang natin ng buo dito sa apoy mamaya," sagot ni Dodong. Si Maliya naman ay naglilinis ng mga dahon ng tanglad at hinuhugasan ito sa tarog na nasa gilid lang ng kubo. Namangha naman si Esmeralda dahil kahit napabayaan na, may tubig pa ring lumalabas sa tarog na iyon.

"Ang galing ate noh, sinundan ko ang tarog na iyan at konektado siya sa bukal doon sa bandang itaas. May malaking talon din roon na magandang paliguan, malapit lang dito, iyon pala ang naririnig kong lagaslas ng tubig, ang akala ko ay may ilog sa banda rito." saad ni Dodong.

Napangiti naman si Esmeralda. Napagtanto niyang hindi naging mahirap ang buhay para sa kaniyang mga magulang. Sagana ang lugar na ito at payapa sana, kung hindi lamang dahil sa mga aswang at itim na engkanto na ganid sa kapangyarihan.

"Isang mahomanay si ama, kaya, sisiguruhin niyang nasa maayos na lugar ang titirhan nila, lalo pa at pinagbubuntis tayo ni ina." sabat naman ni Liyab. NAtapos na nitong linisan ang baboy at nakatuhog na rin sa malaking kawayan. Nailagay na rin ng binata ang mga inihandang pampalasa para rito. Dahil tatlo lamang silang tao roon at nangangailangan ng pagkain, ay naging higit pa iyon sa kanilang inaasahan. NAparami ng kain si Dodong at Esmeralda.

"Kailangang busog tayo bago sumapit ang gabi," sambit pa ng bata habang nginangasab ang karne. Sarap na sarap sila, maging si Uran ay nakikikain na rin kahit pa pagkain iyon ng tao. Sinasabayan niya si Maliya at ito na rin ang naghahain sa bata. Si LIyab naman ay nakangiting nakatingin lang sa kanila habang nagkakasya sa mga prutas na pagkain niya. Bilang isang mahomanay, isang kalapastanganan ang kumain ng mga hayop na siyang kaniyang pinangangalagaan. Ngunit dahil isang tao ang kapatid niya ay wala siyang magawa kun'di ang hayaan at bigyan ito ng pangangailangan niya.

If you find any errors ( Ads popup, ads redirect, broken links, non-standard content, etc.. ), Please let us know < report chapter > so we can fix it as soon as possible.

Tip: You can use left, right, A and D keyboard keys to browse between chapters.